Byaheng Langit
“MAG-ISIP KA NGA!!”, sabi ko sa sarili ko habang tinitignan ang matandang si mang roger na nakaupo sa maduming pintuan ng jeep. “E kung tumayo ka kaya para makaupo si mang roger diba?!”. Gusto kong paupuin si mang roger sa upuan ko hindi lang dahil sa matanda na sya kundi dahil din sa aking respeto sa kanya. Ngunit hindi ko magawa. Hindi ko malapitan si mang roger sa mga oras na iyon. Kaya ko syang lapitan kapag kami ay nasa San Beda ngunit hindi ko maisip kung bakit nag-aalinlangan akong lumapit sa kanya.
Habang tinititigan ko sya, biglang pumasok sa isipan ko ang ideyang “ganyan ba talaga ang alamat?”. Ang nirerespeto at kinagigiliwan ng maraming mayayamang estudyante ay sumasabit lang sa jeep para makauwi. Tinitingala sya ng iba dahil sa kanyang kamangha-manghang nakaraan ngunit tumitingala sya sa langit na parang hinahanap ang pag-asa sa kinabukasan nya. Bakas ang pagod sa kanyang mga mata.
Mabuti pa si mang roger, ang sipag. Di alintana ang kanyang katandaan, pumupunta siya sa Beda ng maaga at umuuwi ng gabi. At sa buong araw na pagtitinda niya sa San Beda, mas malaki pa ang kinita ko kaysa sa kanya. Ako na nagcu-cut sa mga klase ko at umaabsent hangga’t may pagkakataon, ay lagi nyang pinapaligaya sa bawat pagdaan ko sa kanyang maliit na tindahan. Ang simpleng pangangamusta nya sa akin na may ngiti sa kanyang mukha ay higit pa sa pagbili ko sa kanyang mga paninda.
May isang lalaking nakaupo sa tabi ng pintuan ang nakatitig kay mang roger, mukang mayaman at edukado dahil sa kanyang makikintab na kagamitan at malinis na itsura. Naisip ko ang mga nasa itaas dahil sa kanya. Kung sila kaya ang nakasabit? Kung maluwag ang jeep, babayaran ko lahat ng bakanteng upuan para hindi sila makaupo. Malamang hindi nila kayanin ang pag-sabit sa jeep. Hindi kasi bagay sa kanila. Nawawal ang poise nila. Pero hindi sila sasabit sa jeep, dahil kayang kaya nilang bumili ng higit pa sa isang sasakyan para makauwi. Yung isa, para sa convoy, para maangas silang tignan. Mayaman kasi sila. Kaso pilit ang pag-respeto sa kanila.
Bumaba ang aking katabi at nakaupo na si mang roger sa aking tabi. Isang pangungusap lang ang nasabi ko, “tabi tayo mang roger.” Ng malapit na ako sa amin, bigla akong kinausap ni mang roger. “San ka umuuwi? Bayad ka na ba?” Nagulat ako sa aking narinig, ako na estudyante ng San Beda ay tinanong ng mambabalot na si mang roger kung bayad na ba ako na tila kapag sumagot ako ng “hindi” ay ililibre nya ako. Sa puntong iyon, mas tumas pa ang respeto ko sa kanya. Siguro kung ibang mayaman ang kasabay ko, kahit sobra sobra pa ang pamasahe nya hindi nya ako tatanungin kung bayad na ba ako.
Sa maikli naming pagkwekwentuhan, nasabi niya sa akin na matutulog na sya pag uwi at gigising na naman ng maaga para magtrabaho. Sa sobrang mangha ko, ang nasabi ko lang ay “mabuti pa kayo mang roger ang sipag, di tulad nung prof ko na pumapasok lang pag magpapa-exam.” Parehas kaming natawa.
Pag baba ko sa jeep, napangiti ako. Ang sarap sumakay ng jeep. Kasi marami kang nakikitang iba’t-ibang bagay na pag-iisipin ka, marami kang nararamdaman at nararanasan, at marami kang nakikilalang iba’t-ibang tao kahit hindi mo sila nakaka-usap. Iyon ang nagbigay sa akin ng inspirasyon na isulat ito. Kung ikukumpara ang panahon na ginugol ko sa paghahanap ng dahilan para ako ay magsulat, malamang segundo lang itong panahon na ginugol ko para maisulat ang kwentong ito. “Mas mahirap maghanap ng inspirasyon kaysa gumawa ng aksyon.”